Fiction

Ang Tagak at ang Kalabaw

t1i 034

Image source: Sir Mevs at Flickr

Kung tawagin kami noo’y  sina Tagak at Kalabaw. Ako ang tagak at si Kuya naman ang kalabaw. Sabi ni Kuya, bata pa kami ng sinimulan kaming tawagin ng mga kapitbahay nang ganito. Minsan daw kasi’y nagkasugat ako sa paa’t matagal gumaling, kaya’t kinailangan ni Kuyang pasanin ako sa kanyang likod saan man kami pumunta.

Mga apat na taon ako at anim na taon naman si Kuya nang sumama sa mga rebelde sina Inay at Itay. Mula noo’y kinupkop na kami ng aming Tiyo Jaime. Magsasaka si Tiyo kaya lumaki kami ni Kuya sa putikan.

“Ano kayang nasa kabila ng Bulawan?” madalas kong matanong kay Kuya tuwing nasa bukid kami at nagpupunla.

“Malamang ay putik din. Pag uwi natin sa bahay, maligo ka agad at napakabaho mo na,” sagot niya.

Kung tatanungin ako, ayoko sa putikan. Mas gusto ko sa paaralan. Doon, malinis at maghapon ka lang na nakaupo.

Mas naibigan ko pang pumasok sa paaralan nang tumuntong ako nang Grade Six at naging guro namin si Ma’am Salvador.

“Class, ito ang tatandaan ninyo,” ang minsang sinabi ni Ma’am Salvador. “Ang pinakamahahalagang bagay ay hindi nakikita ng mata. Tanging ang puso ang nakakakita nang tama.”

Wala pa akong narinig na tulad niyon. Nang sandaling iyon, iyon na yata ang pinakamaganda at pinakatotoong bagay na narinig ko. Galing iyon sa nobelang The Little Prince. Syempre, ilang taon pa bago ko mabasa nang buo ang nobelang ito.

Si Kuya? Hindi mo maipipirmi si Kuya sa loob ng classroom. Hindi lalagpas ang isang oras at tingnan mo’t wala nang laman ang upuan. Naroon na uli siya sa kabukiran.

Panatag si Kuya sa bukid. Pati ang pasikot-sikot sa kagubata’y kabisado niya. Minsan, dinala niya ako gubat. Narating namin ang isang maliit na lawa. Sa ibabaw ng lawa, nagliliparan ang sanlaksang tutubi. Sa liwanag na araw, kumikislap ang kanilang mga pakpak.

Umupo si kuya sa isang malaking bato. May hawak siyang dahon ng balete. Inilapit niya iyon sa kanyang bibig at nagsimulang tugtugin iyon na parang plawta.

Noong bata pa kami, pareho kami ni Kuyang marunong tumugtog ng dahon. Siya ang nagturo sa akin. Ngunit ngayo’y nakalimutan ko na kung paano.

Nang matapos siyang tumugtog, nagsalita siya: “Balak kong sumama kay Nestor sa Bulawan.”

Si Nestor ang anak ng kapitbahay naming si Aling Guada. Isa siyang minero sa Bulawan.

Tanong ko:“Bakit?”

Sagot ni Kuya: “Kailangan daw ng dagdag na tao sa minahan. Saka, malay mo, makahukay din ako ng ginto doon, tulad ni Nestor.”

“Pero delikado. Palaging may sumasabog doon. At pag may sumasabog, lumilindol. At saka, ang dinig ko, may mga sundalo din daw doon. May mga baril sila.”

“Hay, naku naman, Emil. Kalalaki mong tao’y napakamatatakutin mo.Walang mangyayari sa akin doon.”

“Bakit kailangan mo pang magtrabaho doon? Pwede naman tayong magsaka dito.”

“Mas malaki ang kikitain ko doon. Saka, tigang na ang lupa. Sabi ni Tiyo, ilang taon na lang daw at hindi na matatamnan pa ng kahit ano ang bukid.”

“Sasama ako sa iyo.”

“Ano? Sasama ka sa ‘kin, sa payat mong ‘yan? Hindi mo kakayanin doon.”

“Kuya…”

“Sa isang linggo daw ang uwi ni Nestor. Pag balik niya sa Bulawan, sasama na ako sa kanya.

At ganoon nga ang nangyari. Naging minero si Kuya. Labing-apat na taon siya noon.

Naging totoo ang lahat ng sinabi ni Kuya. Malaki ang kanyang naging kita. Dahil dito’y napag-aral niya ako hanggang high school. Umalis din ako sa amin upang makapag-aral sa  kolehiyo sa lungsod. Naging working student ako.

Hanggang ngayo’y minero pa rin si Kuya Ruben, at sa trabahong ito binubuhay niya ang kanyang asawa at dalawang anak. Sa tuwing uuwi ako sa amin, madalas ay hindi ko naabutan si Kuya sa bahay dahil nasa minahan pa. Kung Tagak at Kalabaw ang tawag sa amin dati, kami na ngayon sina Kamusta at Mabuti Naman. Dahil iyon lang, at ang dalawang salitang iyon lang, ang nasasabi namin sa isa’t isa tuwing magkikita kami.  Anong sasabihin ko sa kanya? Na, sa wakas, marunong nang magsulat ng coherent na argumentative essay ang mga estudyante ko?

Tulad ng sinabi niya, unti-unting naging tigang ang bukid. Minsang nakaupo ako sa harap ng bahay namin sa Bulawan, napansin ko na wala na akong ibang matanaw kundi ang bitak-bitak na kulay abong lupa. Wala nang luntiang bukirin. Wala na ring mga tagak at mga kalabaw. rcc

Advertisements
Standard
Fiction

Carousel

Carousel

Image Source: Marshall Humble at Flickr

Kumahog na pumasok sa gate ang mga paslit at mga magulang. Kanyang-kanyang sampa ng kanya-kanyang anak sa kabayong naibigan. Hindi lalagpas sa limang taon ang mga munting hinete. Sabik na niyugyog ng isang batang lalaki ang sariling nasa ibabaw ng itim na kabayong may disensyong rosas sa katawan, kaya’t maagap namang hinigpitan ng kanyang ina ang hawak sa kanya. Naku, wag kang masyadong malikot; baka mahulog ka. Walang sinabi ang mga bombilyang palamuti ng carousel sa maningning na labas-ngiping ngiti ng mga paslit.

“Kayo, Miss, sasakay ba kayo?”

Si Danjun iyon, nakangisi. Tingnan mo ito, sa halip na magtrabaho na lang, nagawa pa akong biruin. Nagtinginan tuloy ang mga magulang sa carousel. Ismid ang isinagot ko; halakhak ang iginanti ng loko.

Pumunta si Danjun sa console upang paandarin ang carousel. Dahan-dahang gumalaw ang higanteng laruan sa loob ng mall na kahon.  It’s a small world, after all, awit ng boses ng isang dalagitang di nakikita, habang ang mga paa ng mga kabayo’y taas-baba ngunit di masaling ang lupa. Sapat na ang pagmasdan ang umiikot na carousel upang ipaghele ka.

Lumapit sa aking kinatatayuan si Danjun. Ipinatong ang mga siko sa bakal na bakod sa pagitan namin, habang nakahawak naman ang isang kamay sa pisngi. Ano bang nakain nito at di mabura ang ngiti? Ilang sandali ring ganoon ang hitsura niya, nakangisi sa akin ngunit walang sinasabi.

“Mabuti naman at dinalaw mo ‘ko dito,” sabi niya.

“Hindi ikaw ang dinalaw ko,” sagot ko.

“At sino naman?” ganting tanong niya, plastado pa rin ang ngiti sa mukha.

“Kinuha ko ang last pay ko.”

“E di mayaman ka ngayon?” Inabot ang aking kamay. “Date tayo?”

Sa unang pagkakataon, napahalakhak ako. Sa ibang lalaki, maaring magmukhang katawa-tawa ang unipormeng polong pula na may asul na kwelyo at manggas, parang watawat ng Pilipinas. Pero sa kanya, bagay. Maganda rin ang bagsak ng tela sa kanyang matangkad at payat na katawan.

Una ko siyang nakasama diyan sa McDonald’s. Mga part-time na service crew kami. Pareho kaming nag-aaral pa noon. Ako, kumukuha ng HRM. Siya naman, IT. Mga two-year courses. Noon pa ma’y masayahin na siyang tao.  Sa mga birthday parties, siya si Grimace. “Shiela, may magagalit ba pag nanligaw ako sa iyo?” minsang tinanong niya sa akin. “Nag-aaral pa ‘ko. Ayoko muna ng mga ligaw-ligaw,” sagot ng dean’s lister sa isang tech-voc college.  Nang makatapos ako sa college, lumipat naman ako sa Hypermarket, cashier. Nagulat na lang ako isang araw nang makita ko siya sa tabi ko sa counter, naglalagay ng mga canned goods sa plastic bag.

Nang ma-endo, lumipat naman siya sa Storyland. Operator ng carousel. Sa tapat lang ng entrance ng Hypermarket naroon ang carousel. “Pag may anak na ako, dadalhin ko siya dito. Sasabihin ko sa kanya, ako ang dating operator nito,” minsang nasabi niya sa akin. Ganito rin kami nang sandaling iyon: siya, nasa loob ng bakod; ako naman, sa labas.

“Ikaw, kailan ka mae-endo?” tanong ko.

“Bakit? Ayaw mo na ‘kong makita?”

“Hindi naman. Ano lang kasi —”

“Sa isang buwan na.”

“May inapplyan ka na ba?”

“Wala pa. Pero marami naman d’yan. Sabi ni Nelson, subukan ko raw mag-sekyu.” Si Nelson ang kasama niya sa kwartong inuupahan, security guard din dito sa mall. “Malamang, dito rin ulit ang bagsak ko.” Kinindatan niya ako na para bang sinasabing sumang-ayon ako sa sinasabi niya. “Ikaw, saan ka?’

“Hindi muna ako magtatrabaho.”

“Bakit?”

“Inaasikaso ko kasi ang mga papeles ko.”

Napakunot ang noo niya sa pagtataka. “Anong meron?” tanong niya.

“Papunta akong Dubai. Nag-apply akong food attendant sa isang hotel do’n. Pinautang ako ng tita ko ng placement fee. Si Tita, nurse ‘yon sa Canada. Mga isang buwan lang, baka makaalis na ‘ko.”

“A.”

It’s a small world, after all. It’s a small world, after all. It’s a small world, after all. It’s a small, small world.

“Paalis ka na pala,” sumbat niya. Hindi, hindi sumbat iyon. Sinabi lang niya ang narinig niya mula sa akin.

Dahan-dahang  huminto ang carousel. Noon ko lang napansin na kaunti lang pala ang mga batang nakasakay, mga lima hanggang pito, kaya hindi lahat ng isang dosenang kabayo ay may hinete. May may paslit na nagpumilit pang manatili sa pagkakasampa, ngunit ang mga magulang ang nagbabayad ng tiket kaya’t lukot ang mga mukhang bumaba sila ng kanilang mga kabayo.  Ilang minuto lang ba iyon? Isa? Dalawa? Tatlo? Sa loob ng sandaling iyon, saan kaya sila nakarating?

Tumuwid sa pagkakatayo si Danjun. Muli, naroon sa kanyang mukha ang ngiti. Muli, siya na ang operator ng carousel.

“Di ka talaga sasakay?”

Umiling ako, pilit na ngumiti. “Sige, alis na ‘ko.”

“Sige.”

Nilapitan niya ang mga nagsisibaba, inalalayan ang mga bata. Ilang saglit pa’y nakalabas na ang lahat ng mga tao. Nakayukong naiwan ang mga kabayong may palamuting mga rosas. rcc

Standard