Books, Translations

Sputnik Sweetheart – Kabanata 15

(This is a Filipino translation of a part of Chapter 15 of the novel Sputnik Sweetheart by Haruki Murakami. Translated by Rafael Cañete)

Nai-park na niya ang kanyang pulang Toyota Celica sa parking lot ng supermarket. Tinawag ko siya at nag-usap kami nang malayo sa kanyang anak. Sinabi ko sa kanyang mauna nang umuwi. Kailangan kong kausapin ang iyong anak, sabi ko; ihahatid ko na lang siya sa bahay mamaya. Tumango siya. May sasabihin sana siya ngunit hindi na niya itinuloy, pumasok na lang sa kanyang kotse, kinuha ang kanyang salamin sa sa kanyang wallet, at binuksan ang makina.

Nang makaalis na siya, dinala ko si Carrot sa isang maliit na coffee shop na malapit lang. Masaya ang ambience sa loob. Nagkapagrelax  ako dahil may air con. Umorder ako ng iced tea para sa akin; ice cream naman para sa bata. Tinggal ko  ang pinakamataas na butones ng aking polo. Tinanggal ko  rin ang aking kurbata at inilagay sa bulsa ng aking jacket. Naglulunoy pa rin sa katahimikan si Carrot. Walang nagbago sa kanyang mukha at mga mata mula nang umalis kami sa opisina ng guwardya. Patlang ang kanyang mukha, at tingin ko’y matatagalan siyang ganyan. Nakatingin siya sa sahig, iniiwas ang mukha sa aking tingin, nakapatong nang maayos sa kanyang kandungan ang mga kamay. Ininom ko ang aking iced tea, ngunit hindi ginalaw ni Carrot ang ice cream. Unti-unti natunaw ang ice cream sa plato nito, ngunit hindi pa rin ito pinansin ni Carrot. Magkaharap kami,  parang mag-asawang hindi nagkikibuan. Sa tuwing lalapit ang waitress sa aming mesa, mukha siyang kinakabahan.

“Bigla na lang nangyari,” ang sabi ko, sa wakas. Hindi para basagin ang katahimikan. Basta na lang  nagdatingan ang mga salita.

Unti-unting itinaas ni Carrot ang mukha upang tingnan ako. Hindi nagsalita. Pumikit ako, nagbuntong-hininga, at ilang sandali ring nanahimik.

“Wala pa akong pinagsasabihan nito,” sabi ko. “ Noong tag-araw, pumunta ako sa Greece. Alam mo naman kung saan ang Greece, di ba? May pinanood tayong video sa social studies, natatandaan mo  pa ba? Sa Timog Europa, sa tabi ng Mediterranean. Maraming isla at tanim na olives dito. Pinakamaunlad ang kanilang sibilisasyon noong 500 B.C. Sa Athens isinilang ang demokrasya; tagaroon din si Socrates na uminom ng lason at namatay. Doon ako pumunta. Napakagandang lugar. Pero hindi ako pumunta doon para mamasyal. Nawala doon ang kaibigan ko kaya nagpunta ako upang tumulong sa paghanap sa kanya. Ngunit hindi namin siya nakita. Tahimik na nawala ang kaibigan ko, parang usok.”

Bahagyang binuksan ni Carrot ang kanyang bibig. Nakatingin siya sa akin. Matigas pa rin at walang buhay ang kanyang mukha, ngunit nakasulyap na ako ng liwanag doon. Alam kong naabot ko na siya.

“Gusto ko ang kaibigang ito. Gustong-gusto. Siya ang pinakimportanteng tao sa buong mundo para sa akin. Kaya nag-eroplano ako patungong Greece para tumulong na hanapin siya. Ngunit wala ring nangyari. Kahit anong bakas niya ay  wala kaming nakita. Mula noon, wala na akong kaibigan. Kahit isa.”

Mas kinakausap ko ang sarili ko kaysa si Carrot, nag-iisip nang malakas.

“Alam mo ba kung ano’ng gusto kong gawin ngayon? Umakyat sa tuktok ng isang mataas na lugar, ang mga pyramid, halimbawa. Ang pinakamataas na lugar na maabot ko. Tumayo sa tuktok para makita kung ano na ang mga nawala sa mundo. Ewan ko… Hindi ko naman siguro talagang gustong makita ang gano’n. Siguro, wala na talaga akong gustong makitang kahit ano.”

Lumapit ang waitress, binuhat ang plato na may tunaw na ice cream ni Carrot,  at iniwan ang bill.

Bata pa lang ako, madalas ko nang maramdaman na nag-iisa lang ako. Kasama ko naman sa bahay ang aking mga magulang at ate, ngunit hindi ko sila kasundo. Hindi ko kayang makipag-usap sa kahit kanino sa kanila. Kaya palagi kong iniisip na ampon lang nila ako. O kaya’y nakuha lang nila ako sa isang bahay ampunan. Ngayon ko lang naiisip na kakatwa ang mga mga pinag-iisip ko. Ang mga mga magulang ko ay hindi kabilang sa uri ng taong mag-aampon ng kawawang ulila.  Ngunit hindi ko pa rin magawang isiping kadugo ko ang mga taong ito. Mas madali pang isiping hindi ko sila kilala.”

“ Madalas akong mag-imagine ng isang malayong bayan.  Sa isang bahay doon nakatira ang tunay kong pamilya. Maliit at simpleng bahay lang, ngunit masaya. Ang lahat ng nakatira doon ay naiintidihan ang isa’t-isa; nasasabi nila sa isa’t isa ang kanilang mga nararamdaman. Tuwing gabi, maririnig mo si Nanay na abalang-abala sa kusina, naghahanda ng hapunan. Mabango at masarap ang amoy ng paligid. Doon ako nakatira. Palaging kong iniisip ang lugar na ito, at bahagi ako nito.

“ Sa tunay na buhay, may alagang aso ang pamilya ko, at siya lamang ang tanging nakakasundo ko. Simpleng aso, ngunit matalino; pag may itinuro ka sa kanya, hindi niya nakakalimutan. Palagi ko siyang ipinapasyal sa labas. Madalas din kaming pumunta sa parke. Uupo ako sa isang bangko at kukuwentuhan siya ng kung ano-ano. Nagkakaintindihan kami. Iyon ang pinakamasasayang sandali sa aking kabataan. Nang grade five ako, nabundol ang aming aso ng truck  malapit sa aming bahay at namatay. Hindi na ako pinayagan pa ng mga magulang kong bumili ng bagong aso.  Ang ingay at ang dumi ng mga aso, sabi nila sa akin, malaking abala.

“Nang mamatay ang aking aso, lagi na lang akong nasa loob ng aking kuwarto, nagbabasa.  Ang mundo sa loob ng mga aklat ay parang mas totoo kaysa sa kahit ano. May mga bagay akong nakikita na noon ko lang nakita sa buong buhay ko. Matalik kong kaibigan ang mga aklat at musika. May dalawa akong kaibigan sa paaralan, ngunit wala akong nakilalang kahit sinong mapagsasabihan ng laman ng puso ko.  Sandali lang kung mag-usap kami ng mga kaibigan ko; naglalaro lang kami ng soccer.  Kapag may problema ako, wala akong napagsasabihan. Pinag-iisipan at nilulutas ko ito nang mag-isa. Hindi sa mag-isa lang talaga ako. Ganoon lang talaga ang buhay. Sa bandang huli, walang ibang maasahan ang mga tao kundi ang kanilang mga sarili.

“Ngunit nang pumasok ako sa kolehiyo, may nakilala akong kaibigan. Siya iyong kinukwento ko. Nagbago ang takbo ng isip ko. Napagtanto kong ang pag-iisip nang mag-isa ang nagtatali sa akin sa iisang pananaw. Noon ko naramdaman ang lungkot ng pag-iisa.

“Ang pag-iisa, parang ganito ang nararamdaman mo kapag nakatayo sa  bukana ng ilog, pinanonood ang pagdaloy ng tubig palabas sa dagat. Nagawa mo na ba iyon? Tumayo sa bukana ng ilog at panoorin ang pagdaloy ng tubig palabas sa dagat?

Hindi sumagot si Carrot.

“Ako, oo,” sabi ko.

Nanlalaki ang mga matang tumingin sa akin si Carrot.

“Hindi ko alam kung bakit malungkot ang panooring humalo ang tubig ilog sa tubig dagat. Pero malungkot talaga. Subukan mo minsan.”

Kinuha ko ang aking jacket, pati ang bill, at dahan-dahang tumayo sa kinauupuan ko. Inilagay ko ang isang kamay ko sa balikat ni Carrot. Tumayo na rin siya. Binayaran ko ang bill saka kami umalis ng coffee shop.

Inabot kami ng tatlumpung minuto sa paglalakad patungo sa kanyang bahay.  Sabay kaming naglakad, ngunit hindi nag-uusap.

May isang maliit na ilog malapit sa kanyang bahay.  May sementadong tulay sa ibabaw nito. Pagkaliit-liit, mas mukha pang drainage canal na pinalawak kaysa ilog. Ginamit siguro itong irigasyon nang may mga bukirin pa sa lugar na ito. Ngunit malabo na ngayon ang tubig, at may maamoy pang detergent. May mga tumubo nang damo sa lupa sa ilalim ng ilog. Sa gitna ng ilog, may isang itinapon nang komiks na nakabukas.  Huminto sa gitna ng tulay si Carrot at dinungaw ang ilog mula sa itaas. Matagal kaming nakatayo roon. Ayaw  pa niya sigurong umuwi ng bahay, at naiintidihan ko siya.

Dumukot si Carrot sa bulsa ng kanyang pantalon, naglabas ng isang susi, at iniabot  iyon sa akin. Isang ordinaryong susi, may nakakabit na pulang tag. May nakasulat na STORAGE 3 sa tag. Iyon ang susi ng storage room na hinahanap kanina ng gwardyang si Nakamura. Maaring sandaling naiwan si Carrot sa silid, natagpuan niya ang susi sa drawer, at itinago ito sa kanyang bulsa. Isang malaking misteryo ang utak ni Carrot, mas malaki pa sa inaakala ko. Kakaibang bata.

Inabot ko ang susi. Sa aking palad nadama ko ang bigat ng lahat ng mga tao humawak dito.  Ang susi ay masama, madumi, walang utak. Saglit akong naguluhan sa aking nadarama, kaya nailaglag ko sa tubig ang susi. Lumikha iyon ng isang maliit na pagsabog sa ibabaw ng tubig.  Mababaw lang ang ilog, ngunit  malabo ang tubig, kaya madaling nawala sa aming paningin ang susi. Magkatabi kami ni Carrot na pinagmasdan ang tubig ng ilang sandali. Parang sumaya ako, gumaan ang aking pakiramdam.

“Huli na para isauli pa iyon,” sabi ko, sa sarili ko kaysa kay Carrot. “ Sigurado akong may duplicate sila noon.  Aba, iyon yata ang pinakamamahal nilang storage room.”

Inabot ko kay Carrot ang aking kamay, at maingat niya rin itong inabot. Nadama ko ang kanyang mga mapapayat at maliliit na daliri. Nadama ko na ang ganito – saan kaya? – matagal na panahon na ang nakalilipas. Hawak kamay naming tinungo ang kanyang bahay.

Inabot ko ang susi. Sa aking palad nadama ko ang bigat ng lahat ng mga tao humawak dito.  Ang susi ay masama, madumi, walang utak. Saglit akong naguluhan sa aking nadarama, kaya nailaglag ko sa tubig ang susi. Lumikha iyon ng isang maliit na pagsabog sa ibabaw ng tubig.  Mababaw lang ang ilog, ngunit  malabo ang tubig, kaya madaling nawala sa aming paningin ang susi. Magkatabi kami ni Carrot na pinagmasdan ang tubig ng ilang sandali. Parang sumaya ako, gumaan ang aking pakiramdam.

Advertisements
Standard

Speak your mind!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s