Books, Translations

Sputnik Sweetheart – Kabanata 1

(This is a Filipino translation of a part of Chapter 1 of  the novel Sputnik Sweetheart by Haruki Murakami. Translated by Rafael Cañete.)

“Parang kamalig ang utak ko, punong-puno ng mga bagay na gusto kong sulatin,” sabi ni Sumire. “ Mga larawan, mga eksena, mga salita – lahat sila, kumikislap sa isip ko, buhay na buhay! Magsulat ka, sigaw sila. Isang bagong kwento ang naghihintay na maipanganak, nararamdaman ko. Dadalhin ako nito sa isang bagong lugar. Kaso, pag nakaupo na ako sa desk ko para magsulat, parang may kung anong mahalaga ang kulang. Walang nabubuo – walang kahit anong nabubuong kristal, puro bato lang. At hindi ako nadadala sa ibang lugar.”

Nakasimangot na pinulot ni Sumire ang kanyang ika-dalawang-daan-at-limampung  bato, saka itinapon ito sa lawa.

“Baka may kulang sa akin. Iyong kailangan para maging isang nobelista.”

Sinundan iyon ng malalim na katahimikan. Parang hinihingi niya ang aking palaging nakahandang opinyon.

Pagkatapos ng ilang saglit, nagsalita ako. “ Noong unang panahon sa Tsina, may mga lungsod na napalilibutan ng matataas na pader na may malalaki at matatayog na tarangkahan. Hindi lang sila pasukan at labasan ng mga tao; may mas mahalaga silang gamit. Naniniwala ang mga tao noon  na ang kaluluwa ng lungsod ay nasa tarangkahan nito. O dapat naroon ang kaluluwang ito. Parang sa Europa noong gitnang panahon: naniniwala ang mga tao na ang katedral at plaza ang puso ng lungsod. Kaya hanggang ngayon, marami pa ring nakatayong naggagandang tarangkahan sa Tsina. Alam mo ba kung paano itinayo ng mga Tsino ang mga tarangkahang ito?

“Hindi ko alam,” sagot ni Sumire.

“ Nagdadala sila ng mga kariton sa mga matatandang larang upang manguha ng mga  namumuting butong nabaon doon, o kaya’y pakalat-kalat. Matandang bansa na ang Tsina – maraming matatandang larang – kaya hindi na nila kailangan pang lumayo. Sa lagusan ng lungsod, nagtatayo sila ng tarangkahan at isinasamang sementuhin dito ang mga buto.  Umaasa silang sa ganitong paraan, patuloy na mababantayan ng mga namatay  nang mandirigma ang kanilang bayan. Hindi lang ‘yan. Pag buo na ang tarangkahan, nagdadala ang mga tao ng ilang mga aso, ginigilitan ang mga leeg, at ibinabasbas ang dugo sa tarangkahan. Kapag naihalo na ang sariwang dugo sa tuyong  buto  saka lang magigising ang kaluluwa ng mga patay. Parang ganoon.”

Tahimik na naghintay si Sumireng magpatuloy ako.

“Parang ganoon din ang pagsusulat ng nobela. Nangunguha ka ng mga buto, tapos gagawa ka ng tarangkahan.  Pero gaano man kaganda ang tarangkahan, hindi pa rin iyon sapat para ang nobela’y  mabuhay, huminga. Ang isang kwento ay hindi produkto ng mundong ito. Ang buhay na kwento ay nangangailangan ng isang mahiwagang binyag upang maiugnay ang mundong ito sa mundo sa kabila.

“Ang ibig mong sabihin, kailangan kong maghanap ng aso?”

Tumango ako.

“At sariwang dugo?”

Kinagat ni Sumire ang kanyang labi at nag-isip. Isa pang kawawang bato ang itinapon niya sa lawa. “Ayoko talagang pumatay ng hayop hangga’t maari.”

“Metaphor lang  ‘yon,” sabi ko. “Hindi mo kailangang pumatay ng kahit ano.”

“Parang ganoon din ang pagsusulat ng nobela. Nangunguha ka ng mga buto, tapos gagawa ka ng tarangkahan.  Pero gaano man kaganda ang tarangkahan, hindi pa rin iyon sapat para ang nobela’y  mabuhay, huminga. Ang isang kwento ay hindi produkto ng mundong ito. Ang buhay na kwento ay nangangailangan ng isang mahiwagang binyag upang maiugnay ang mundong ito sa mundo sa kabila.

Advertisements
Standard

One thought on “Sputnik Sweetheart – Kabanata 1

Speak your mind!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s