Books, Translations

Ang Munting Prinsipe – Kabanata 21

(This is a Filipino translation of Chapter 21 of the novel The Little Prince by Antoine de Saint Exupery. Translated by Rafael Cañete)

Noon niya nakilala ang lobo.

“ Magandang umaga,” sabi ng lobo.

“Magandang umaga,” ang magalang na tugon ng munting prinsipe, kahit nang lumingon siya’y wala siyang nakitang kahit sino.

“Nandito ako,” sabi ng boses. “Sa ilalim ng puno ng mansanas.”

“Sino ka?” tanong ng munting prinsipe. “ Napakaganda mo,” dagdag niya.

“ Isa akong lobo,” sagot ng lobo.

“ Halika, maglaro tayo,” yaya ng munting prinsipe. “Ang lungkot-lungkot ko.”

“Hindi ako pwedeng makipaglaro sa iyo,” sabi ng lobo. “ Walang nag-aalaga sa akin.”

“ Ay, pasensya na,” sabi ng munting prinsipe.

Nag-isip siya, saka nagtanong:

“ Anong ibig sabihin ng ‘alaga’?”

“Hindi ka tagarito,” sabi ng lobo. “Ano bang hinahanap mo?”

“Naghahanap ako ng mga tao,” sagot ng munting prinsipe. “Anong ibig sabihin ng ‘alaga’?

“Ang mga tao,” sabi ng lobo, “ may may baril sila, at nangangaso. Nakakatakot. Nag-aalaga rin sila ng mga manok. Iyon lang ang ginagawa nila. Naghahanap ka ba ng mga manok?”

“Hindi,” sabi ng munting prinsipe. “Kaibigan ang hanap ko. Anong ibig sabihin ng ‘alaga’?”

“Isang bagay na palaging nakakalimutan,” sabi ng lobo. “ Ang ibig sabihin, ‘bumuo ng ugnayan’.”

“ ‘Bumuo ng ugnayan’?”

“ Ganoon nga,” sabi ng lobo. “ Para sa akin, kabilang ka lang sa sandaang libong bata sa mundo. Hindi kita kailangan. At ikaw, hindi mo rin ako kailangan. Para sa iyo, kabilang lang ako sa sandaang libong lobo sa mundo.  Ngunit kung aalagaan mo ako, kakailanganin natin ang isa’t isa. Para sa akin, iisa ka lang sa buong mundo. Para sa iyo, iisa lang ako sa mundo.”

“Naiintindihan ko na,” sabi ng munting prinsipe. “ May isang bulaklak – sa palagay ko’y inalagaan niya ako.”

“Pwede,” sabi ng lobo. “Maraming makikita dito sa mundo.”

“Pero hindi ito sa mundo!” sabi ng munting prinsipe.

Mukhang lito ang lobo, may gusto siyang malaman.

“Sa ibang planeta?”

“Oo.”

“May mga mangangaso ba sa planetang iyan?”

“Wala.”

“ Aba, maganda diyan! May mga manok?”

“Wala.”

“Talaga ngang walang perpekto sa daigdig,” sabi ng lobo.

Binalikan niya ang kanyang sinasabi.

“Iisa lang ang nangyayari sa buhay ko,” sabi niya. “ Nanghuhuli ako ng mga manok. Hinuhuli naman ako ng mga tao. Kaya medyo nababagot na rin ako.  Ngunit kung aalagaan mo ako, muling sisikat ang araw sa buhay ko. Isang kakaibang kaluskos ng mga paa ang maririnig ko, kakaiba sa lahat sa ng narinig ko na. Sa ibang kaluskos, madali akong magtatago sa ilalim ng lupa. Sa kaluskos ng iyong mga paa, sabik akong lalabas ng aking hukay, parang nakarinig ng musika. At tingnan mo: nakikita mo ba ang bukirin ng trigo sa malayo? Hindi ako kumakain ng tinapay. Walang halaga sa akin ang trigo. Walang saysay sa akin ang bukirin ng trigo. Napakalungkot. Ngunit kulay ginto ang iyong buhok. Napakasaya noon pag inalagaan mo na ako! Lagi kitang maalala  sa mga kulay-gintong butil ng trigong iyon.  Lagi akong makikinig sa ihip ng hangin sa bukirin.”

Pinagmasdan ng lobo ang munting prinsipe.

“Pakiusap, alagaan mo ako!” sabi niya.

“Gusto ko sana, gustong-gusto ko,” sagot ng munting prinsipe. “Ngunit kulang ang aking panahon. Kailangan ko pang maghanap ng kaibigan, at intidihin ang maraming mga bagay.”

“Iyong mga inaalagaan mo ang tanging mga bagay na maiintidihan mo,” sabi ng lobo. “ Wala nang panahon ang mga tao para intindihin ang kahit ano. Lahat ng bagay ay nabibili na sa mga tindahan. Ngunit hindi ka makabibili ng kaibigan sa kahit anong tindahan,  kaya wala nang kabigan ang mga tao. Kung gusto mo ng kaibigan, alagaan mo ako.”

“Anong dapat kong gawin para alagaan ka?” tanong ng munting prinsipe.

“ Mahabang pasensya,” sagot ng lobo. “Sa simula, kailangan mong umupo nang malayo sa akin – ganyan nga – sa damuhan. Titingnan kita sa gilid ng aking mga mata, at hindi ka magsasalita. Madalas na hindi nagkakaintindihan dahil sa mga salita. Ngunit araw-araw, unti-unti kang lalapit sa akin.”

Nang sumunod na araw, bumalik ang prinsipe.

“Mas maganda kung babalik ka sa parehong oras,” sabi ng lobo. “ Halimbawa, kung babalik ka nang ika-apat nang hapon, ikatlo pa lang ay magsasaya na ako. Mananabik ako habang palapit ang oras. Pag ika-apat na, mag-aalala na ako’t di mapalagay. Ipakikita ko sa iyo kung gaano ako kasaya.  Pero kung kahit anong oras ka lang darating, hindi makapaghahanda ang puso kong tanggapin ka. Kailangan mong sundin ang mga kagawian.”

“Anong ‘kagawian’?” tanong ng munting prinsipe.

“Isa pang bagay na laging nakakalimutan,” sabi ng lobo. “ Ginagawa nilang kakaiba ang isang araw sa lahat, ang isang oras sa ibang mga oras. Halimbawa, may kagawian ang mga mangangaso. Tuwing Huwebes, nakikipagsayaw sila sa mga dalagang taga-baryo.  Kaya espesyal na araw sa akin ang Huwebes! Pwede akong maglakad hanggang sa mga taniman ng ubas. Pero kung ang sayawan ay gaganapin nang kahit anong oras lang, walang kakaiba sa mga araw, at mawawalan ako ng bakasyon.

Kaya inalagaan ng munting prinsipe ang lobo. At nang malapit na ang araw ng kanyang pag-alis –

“ Ay,” sabi ng lobo, “ iiyak ako.”

“Kasalanan mo,” sabi ng munting prinsipe. “Hindi ko naman gustong saktan ka, pero gusto mong alagaan kita.”

“Oo nga,” sabi ng lobo.

“Tapos ngayon, iiyak ka!”sabi ng munting prinsipe.

“Ganoon nga,’ sabi ng lobo.

“Kung ganoon, wala itong nagawang mabuti sa iyo!”

“Mayroon,” sabi ng lobo. “At dahil iyon sa kulay ng bukirin ng trigo.”  Dagdag niya:

“Balikan mo ang mga rosas. Malalaman mong ang rosas mo’y nag-iisa lang sa mundo. Tapos, bumalik ka rito at ibibigay ko sa iyo ang isang lihim bilang regalo.”

Umalis ang munting prinsipe upang balikan ang mga rosas.

“Wala sa inyong tulad ng aking rosas,” sabi niya. “Lahat kayo’y walang halaga. Walang nag-aalaga sa inyo, at wala rin kayong inaalagaan. Tulad ninyo ang aking lobo nang una kaming magkita. Kabilang lang siya sa sandaang libong lobo sa mundo. Ngunit kaibigan ko na siya ngayon, kaya’t nag-iisa lang siya sa mundo.”

At naiinis ang mga rosas.

“Lahat kayo’y magaganda, ngunit wala kayong saysay,” sabi niya. “ Walang gustong mamatay para sa inyo. Siguradong aakalain ng kahit sinong dumadaan na ang aking rosas ay tulad ninyo. Ngunit mas mahalaga siya kaysa sa lahat  ng sandaang rosas tulad ninyo.  Dahil siya  lang ang diniligan ko. Dahil siya lang ang tinakpan ko ng salamin.  Dahil siya lang ang nilagyan ko ng screen.  Dahil sa kanya,  pinatay ko ang mga uod (maliban sa dalawa o tatlong hinayaan naming maging mga paru-paro.) Dahil pinakikinggan ko siya pag nagrereklamo siya, pag nagmamayabang, at kahit walang siyang sinasabi. Dahil siya ang aking rosas.”

At binalikan niya ang lobo.

“Paalam na,” sabi niya.

“Paalam,” sabi ng lobo. “Narito ang aking lihim, isang simpleng lihim: Ang puso lang ang nakakakita nang tama. Hindi nakikita ng mga mata ang pinakamamahalagang bagay.

“ Hindi nakikita ng mga mata ang pinakamahahalagang bagay,” ulit ng munting prinsipe, upang matandaan niya.

“Dahil sa oras na ibinuhos mo sa  iyong rosas kaya siya mahalaga.”

“Dahil sa oras na ibinuhos  ko sa aking rosas – ” ang sabi ng munting prinsipe, upang matandaan niya.

“Nakalimutan na ito ng mga tao,” sabi ng lobo. “ Ngunit huwag mong kalilimutan ito. Habang buhay mo nang tungkulin ang sinomang inalagaan mo. Tungkulin mong alagaan ang iyong rosas.”

“Tungkulin kong alagaan ang aking rosas,” ulit ng munting prinsipe, upang kanyang matandaan.

Advertisements
Standard

One thought on “Ang Munting Prinsipe – Kabanata 21

Speak your mind!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s